Pumasok kami sa Gem Village sa Maa, napaisip tuloy ako. "May mahirap bang nakatira sa isang village?". Ngunit, tuloy pa rin ang aming paglalakbay hanggang sa umabot kami sa isang malayo-layong komunidad. Agad na sumalubong sa akin ang isang babala na nakapaskil pagpasok mo sa komunidad na iyon. "WARNING: Ang lugar na ito ay under the litigation of the law." Ano yun? Anong ibig sabihin nun? Yun pala, sa kabila ng maraming mga pamilyang nakatira doon ay hindi nila pag-aari ang lupa. Maaari silan paalisin doon, sa madaling sabi.
Umabot kami sa isang pamilya na nag boluntaryong ampunin kami. Maliit lamang ang bahay ngunit mahangin. May konting kagamitan, munting kusina at sala. Iyon ang bahay ng pinuno ng kanilang komunidad. Sa gilid ng bahay ay may posong pinagkukunan ng tubig ng buong komunidad. "Communal Property" ika nga ng aming guro.
Matapos naming magpakilala ay agad naming nilibot ang komunidad. Namangha ako sa dami ng mga bahay na naroroon. Maliit ang mga bahay at malapit sa isa't isa. Mas namangha ako sapagkat mga Muslim at Kristiyano ang nakatira doon. Walang away. Masaya silang nagsasama-sama doon.
Umabot kami sa bahay ng isang nagngangalang Romeo. Nagtatrabaho siya sa isang kumpanya na kung saan kumikita siya ng 29 centavos per coconut. Isa din siyang lider ng isang "union" noong 1986. Malungkot ang kanyang naging kwento. Naging pinuno siya sa isang union noong 1989, na ikinamatay ng maraming mamumuo. Napakababa ng kanilang sinusuweldo at wala pa silang benepisyong natatanggap. Kulang na kulang para sa kanyang asawa at tatlong anak. Minsan nga daw ay nagagalit siya sa kanyang sarili dahil hindi niya maialis sa kahirapan ang kanyang pamilya. Kasalanan ba niya yun?
Tanghali na kung kaya't bumalik kami sa bahay, nanood sa laban ng pambansang kamao. Pinanood ang kanyang pagkapanalo at isinumpa ang pandak na nagdiriwang sa puntong iyon.
Sa kabila ng kahirapang naranasan ko sa komunidad na iyon ay hindi ko naramdaman na kapos sila sa pangarap na maialis ang kanilang pamilya sa sitwasyong iyon. Mga gahamang kapitalista,at mga trapong nanunungkulan sa pamahalaan ang siyang nagiging dahilan upang patuloy na umusbong ang kahirapan sa ating bansa.
Marahil ang naranasan ko ay hindi pa ang tunay na mukha ng kahirapan. Marami pa ang namamatay dahil sa gutom, nagnanakaw upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Nawa'y mamulat na ang lahat upang huwag laging isipin ang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng nakararami.
